Filipino Fiction : Tagalog Serye XI : Ikalawang Bahagi ng Ikalawang Pangkat

Basahin ang unang bahagi mula kay Manong @oscargabat.

Dali dalian pinuntahan nya ang kanyang lola at nabigla sya sa kanyang nakita.


Ang kanyang Lola Delia ay magiliw na nagsasayaw na may matamis na ngiti sa kanyang labi. Ang kanyang mga braso'y nakadantay sa hangin at ang mga binti'y matikas na umiindayog na tila bang hindi inaalintana ang madalas na nirereklamong rayuma. Walang musika, walang kumpas na maririnig kundi ang mga maingay na yabag ng paa ng kanyang lola. Ang bawat bagsak ng paa ay mala-lindol na umuugong sa kuwarto at kabahayan na para bang buong bayan ang nakiki-fiesta.

Ito marahil ang maingay na gabog mula sa may bandang aparador, winari ni Jem. Nais nyang pigilan at paalalahanan ang kanyang lola na magpahinga na. Sa pag-apak ng kanyang kanang pagkalampas sa may pinto ay bigla na lang nanikip ang dibdib ni Jem at nahirapang huminga. Napasandal sya sa bukasan ng pinto, animo'y ang bawat yabag ng mga paa'y unti-unting inuubos ang kanyang hangin. Nang halos makahandusay na sya sa sahig ay tumingala sya sa kanyang Lola.

Marahil ay dahil sa medyo nagdidilim na ang kanyang panigin kaya naman hindi nya maaninag ang mukha nito. Napakisap-mata si Jem at sa muling pagdilat ay hindi na sya makatingin nang tuwid sa kanyang lola. Ilan segundo ang lumipas ay natigilan na rin ang pag-iingay, batid nyang nakatitig sa kanya ang kanyang Lola. Mahihinang yabag ng paa ang narinig nyang papalapit sa kanya. At bago sya tuluyan mawalan ng ulirat, naramdaman nya ang isang kakaibang lamig na dumampi sa kanyang mga braso.


Pinukaw ng mainit na sinag ng araw ang mga mata ni Jem. May kaunting hilo pa syang nararamdaman na para bang napasabak sa inuman pero gayunpaman naginhawahan na rin sya sa pagkakagising mula sa isang kakaibang panaginip. Nabagabag sya sa tila ba parang bangungot na alalala noong gabi. Ika nga ng marami, ang panaginip ay mga bagay na hango mula sa totoong buhay... O kaya naman ay isang babala. Kung senyales o babala man iyon, ano kaya ang ibig sabihin ng kanyang mga nakita?

Mas lalo pang naguluhan si Jem nang mapagtantong nakatulog pala sya sa kuwarto ng kanyang Lola.

Halos ala-una na ng hapon nang magising si Jem kaya naman naiwang nakahain na ang kanyang tanghalian kasama ang isang baso ng tsokolateng hinanda ng kanyang Nanay Rome nuong umaga. Naubos nya ang kanin at ang medyo lumamig nang tirang ulam. Hindi na nya gustong inumin ang tsokolate dahil nais nya ito'y mainit o di kaya'y nagyeyelo sa lamig - walang gitna. Nakarating na sya sa may refrigerator, naipasok ang baso at akmang isasara na ang pinto nang maramdaman na naman nyang may presensya sa kanyang likuran. Natigilan sya dahil sa naalalang eksena kagabi.

"Apo, alam kong may aircon kayo sa iyong dormitoryo, pero pridyider yan. Bilis at isara mo na yan bago lumabas ang lamig." Nabitawan na ni Jem ang napigil nyang paghinga nang marinig ang boses ng kanyang Lola. Bago isara ang ref ay kinumpas ni Jem ang kamay nang paulit-ulit, aktong iniimbita na pumasok ulit ang lamig.

"Gusto mo makurot sa singit, aber?"

"Lola naman hindi na mabiro."

"Kayo talagang kabataan ang hilig nyo pagkatuwaan ang mga sinasabi ng matatanda. Pag sinaway kayo, lagi na lang kayong hindi nakikinig. Sising alipin kayo sa huli. Halina kayo't dito makinig may kailangan akong sabihin sa inyo." Litanya ni Lola Delia. Hindi masyado inisip pa ni Jem ang paggamit ng kanyang Lola ng kayo at inyo kahit isa lang ang kausap nito.

Naupo sa may sala ang dalawa, hinanda ni Jem ang sarili na makinig at pagbigyan ang kanyang lola ngunit natahimik ito na tila bang nakalimot na sa gusto nyang sabihin. Malipas ang halos dalawampung minuto, naisipan na ni Jem na linisin ang ilang bahagi ng bahay na hindi pa nya natapos kahapon.

"Sige. Lola, maiwan ko muna kayo at ako'y maglilinis muna."

Nang makatayo na sya's saka naman nagsimulang magsalita si Lola Delia.

"Apo, pagpasensyahan mo na ang Lolo. Alam ko naman na medyo nagtampo ka sa kanya nuong bata ka dahil madalas ka nyang mapalo. Ganun lang talaga sya magdisiplina."

Binaling ni Jem ang tingin sa lola. "Lola ... alam ko naman po iyon. Makulit ako dati."

"Oo makulit ka nga. Sa totoo lang mana ka sa lolo mo, madalas ay makulit din. Ang hilig nyang manggulat, gaya nang kapag abala ako sa aking pananahi, maya-maya'y nasa likod mo na pala at gugulatin ka na lang. Pilit ko syang sinasaway pero hindi pa rin nagpapa-awat. Pagpasensyahan mo na lang sya."

Napangiti si Jem sa pag-alala ng kanyang Lola sa kanyang Lolo. At bahagyang natawa dahil patango-tango na ang ulo ng Lola dahil sa pagka-antok.

"Si Lydia pag nakasalubong mo sa hagdan ay huwag mong pansinin. Mabait iyon, mahilig lang talaga sya magakyat-baba sa hagdan. Paulit-ulit. Akyat at baba."

"Kapag may nakita ka namang gusgusin sa may bandang banyo, mabuti pa'y magpigil ka na lang muna. Minsan sinusumpong si Kanor at manggugulo habang ikaw ay nasa banyo."

"At yung kuwarto. Mainam pa layuan mo na lang ang kuwarto kung nasan ang ... ang ... Huwag mong bubuksan iyon at lalong huwag na huwag mong titignan ang salamin..."

Napabilis bigla ang tibok ni Jem sa huling sinabi ng lola. Biglang nawala ang planong maglinis sa isip nya dahil sa kakaibang kaba na naramdaman. Mas mainam siguro na huwag na muna syang magpupunta sa kung saan-saang bahagi ng bahay. Nais pa sana usisain ni Jem ang kanyang Lola pero nakatulog na talaga ito. Sa kagustuhang may mapagsabihan ng kanyang mga agam-agam, agad nyang inilabas ang cell phone upang matawagan ang kaibigan.

"Apo ... huwag mo rin papasukin ang nakamasid sa atin kanina pa sa may bintana."

Ngunit hindi na ito narinig ni Jem dahil nakalayo na ito upang hindi maistorbo ang kanyang Lola habang sinusubukang kontakin ang kaibigan.


Lumipas ang maraming oras at maraming subok na tawagan ang kaibigan pero hindi makontak ni Jem si Jazz. Sa pagsulat nya ng ika-walong SMS sa kaibigan ay bigla na lang umatungaw ang lumang orasan sa kabahayan - senyales na alas-sais na ng gabi. Matapos ang maingay na tunog ay malakas na katok naman ang kanyang narinig.

Tatlong tok-tok-tok. Tigil sabay katok ulit. Hindi pa oras ng uwian ng kanyang Nanay Rome kaya naman napaisip sya nang husto kung sino itong biglaang bisita. Tumungo sya sa pinto at sumilip sa maliit na silipan habang patuloy ang maingay na pagkatok. Hindi nya makita masyado ang taong nasa pinto dahil sa malabong salamin ng silipan pero naaninagan nya ang isang pamilyar na postura at salamin.

Jazz?! Takang-taka si Jem dahil narito sa Tarlac ang kaibigan at bumisita. Surpresa ba ito? Kaya ba hindi sya sumasagot sa telepono?

Sumigaw sya at kinausap ang kaibigang nasa kabilang panig ng saradong pinto. Tumugon naman ito kaya binuksan nya ang pinto nang tuluyan para makausap nang maayos ang kaibigan. Hindi mawari ni Jem kung bakit pero ginapos na naman sya ng kakaibang pakiramdam kagabi - tila bang kapos sa hangin at medyo madilim ang paningin. Parang narinig nyang nagsalita ang kaibigan.

Pwede ba kaming tumuloy?, tanong nito.

Hindi naman makahanap ng dahilan si Jem para tumanggi pero tila bang may nagbubulong sa kanyang diwa na huwag umayon. Gayunpaman, nabitawan nya rin ang katagang oo.

Lahat kami? ... Pwedeng tumuloy?, tanong muli nito.

Napatango si Jem bago tuluyang napaatras mula sa pinto. Naramdaman nyang hihimatayin na naman sya. Nasilayan nya ang pamilyar na pigura ng kaibigan. Ngunit may napansing kakaiba si Jem bago ito tuluyang mawalan ng malay.

Para bang basag ang salamin na tangan ng mukha nito at may mayabong na agos ng dugo sa kanyang ulunan.



Galing sa Getty Images


Interesanteng kuwento ang nasimulan ni @oscargabat. Medyo nahirapan akong ituloy ito dahil hangga't maari ay gusto kong ituloy ang misteryo at timpla na nasimulan ni Manong. Hindi ko lang sigurado kung tumugma nga ba. Bagama't di ko pa lubos na nauunawaan ang misteryo ng bahay at salamin, ayan at nagdagdag pa ako ng bago. Lol.

Ipinapasa ko po ang karugtong ng kuwento sa mga natitirang olodi na sina @jemzem at @beyonddisability. Alam kong mas magiging maganda ang takbo ng kuwento sa mga kasunod at pang-wakas.

H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
Join the conversation now
Logo
Center