Ni: Fafa jols
Nakabuo ang puso ko ng mga kataga,
Nakapinta ang isip ko ng mga talinghaga,
Binigkas ng bibig ang mga nabuo kong ideya,
At inilagay ko ang dulot mong sakit sa aking obra,
Naranasan ko nang magsulat,
Naranasan ko nang magpuyat,
Simbolo ng mga lukot na papel ang paulit-ulit na pagkakamali ko sa pagsulat,
Mga tinta ng pluma na binuhos ko para ipadama ang dulot mong sugat,
Pilit pinagtutugma sa isip ang mga salita,
Upang makabuo ng panibagong makabuluhang katha,
Nakalagay sa bawat taludtod ang mga hinaing ng puso kong maralita,
Simbolo ng bawat magulong saknong ang isip kong balisa,
Iniisip kita,
Iniibig kita,
Kahit kasabay nang pagtulo ng mga tinta sa bawat pahina ng aking kwaderno,
Ay ang pagtulo ng mga luha sa mga mata ko,
Kumakatha ako ng mga obrang tungkol sa'yo,
Naging ulirang makata ako ng dahil sa'yo,
Umiisip ng mga pariralang patungkol sa'yo,
Pilit bumubuo ng mga tulang pag-ibig ko sa'yo ang sinisimbolo,
Pero Mahal!
Hindi rin nagtagal,
Mas pinili mo pa ring lumisan kaysa manatili,
Sa dami ng puwedeng saktan ako pa ang 'yong napili
Kaya naman mahal namulat na ako,
Na ang tulang katha ko ay 'di mo gusto,
Mahirap palang diktahan ng mga sulat kamay ang puso mong nagmamahal,
Masakit palang bumuo ng tulang tungkol sa pag-ibig mong 'di magtatagal,
Pero tandaan mo mahal, sa kabila ng lahat,
Ako'y muling susulat, pero 'di na muling magkakasugat,
Tutula,
Pero 'di na muling tutulo ang luha 💔