Bata pa lang ako nang nahilig ako sa mga aso. Dahil sa pagmamahal ko sa kanila, sumasagi lagi sa isip ko ang mga palaboy-laboy lang sa kalye, walang nagmamahal, walang makakain. Noong sampung taong gulang na ako, nagkaroon ako ng lakas ng loob na ampunin ang mga asong gala na makikita ko sa kalye.
Ngayon, labinlimang aso ang nasa pangangalaga namin. Dahil mahirap lang kami, hindi namin sila nabibigyan ng magarang buhay, pero nabibigyan namin sila ng pagkain at tahanan. Maraming pagsubok na ang nadaanan ko sa pagsagip ng mga aso at kinaya ko naman lahat. Ngunit may isang pangyayari na naging isang matinding pagsubok sa akin, at iyon ay noong nakilala ko ang aso na si Anghel.
Maulan ang umagang iyon. Papunta ako sa eskwelahan kasama ang kaibigan kong si Annie na aming kapitbahay. Sobrang lakas ng ulan at nang bumaba na kami sa sinakyan naming dyip ay maingat kaming lumakad hawak ang payong para hindi kami tuluyang mabasa. Sampung minuto nalang at mahuhuli na kami. Paliko na kami sa isang napakaduming eskinita na may tambakan ng basura nang may narinig ako.
"Sandali, Annie, naririnig mo ba 'yon?" Tanong ko. "May humahagulgol yata mula roon sa basurahan."
"Saan?" Tanong niya. "Wag mo nalang pansinin, late na tayo!"
Gusto ko'ng umalis para sa klase, pero may nagtutulak saakin na puntahan ang basurahan at tingnan kung saan galing ang hagulgol. Hindi ako mapakali.
"Annie, mauna ka nalang." Sabi ko.
"Bahala ka na nga! Lagot ka talaga kay Sir, may exam tayo ngayon!" Sigaw niya at umalis.
Pinuntahan ko ang basurahan.
Matapos kong i-angat ang isang sako ng basura, tumambad saakin ang isang aso na duguan, putol ang isang paa, at nakabalot ng tape ang bibig. Puno ng dugo ang kanyang mga mata at basang-basa siya sa ulan. Hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Parang kinurot ang dibdib ko at hindi ko mapigilang umiyak nang narinig ko muli ang kanyang pag-iyak. Hindi ko siya pwedeng iwan.
Tiniklop ko ang payong at agad ko siyang kinarga. Hindi na bale ang masangsang na amoy at madumi at basa kong uniporme. Agad akong bumalik ng bahay at wala akong pakialam kahit pinagtitinginan kami ng mga tao.
Pagdating ko sa bahay, nagulat si Tatay. "Milagro nalang yata pa'g nabuhay pa siya, Karen." Sabi niya.
Hindi ako nawalan ng pag-asa. Nang nilinis ko ang aso at nilunasan, tumingin siya saakin, humagulgol at iniwasiwas ng bahagya ang kanyang buntot. Napaiyak ulit ako. Buto't balat nalang siya at sobrang hina na. Hindi ko siya kayang dalhin sa ospital dahil wala kaming sapat na pera. Ginawa ko nalang ang aking makakaya.
Ang nasa isip ng lahat ay baka hindi niya kayanin at mamamatay rin siya noong gabing iyon dahil sa tindi ng mga sugat niya.
Pinatunayan niya sa amin na mali kami. Matapos ang dalawang linggo'ng pag-aalaga, bumuti na ang kanyang kalagayan at hindi siya sumuko kahit tatlo nalang ang kanyang mga paa at isa nalang ang mata.
Isa siyang inspirasyon sa amin at isang biyaya kaya pinangalanan namin siyang Anghel.