Literaturang Filipino: "Tahanan"


Image Source


"Tahanan"
Orihinal na likha ni @japh

“Bakit ba sila nag aaway?”
“Bakit ba sinasaktan ni itay si inay?”
“Bakit ba sila nag sisigawan?"
Ito ang mga katanungan sa loob ng musmos na isipan ni Joy. Mga katanungang mahirap ipaliwanag sa isang limang taong gulang na bata.

Si Joy ay nakatira kasama ang kanyang ama at ina sa isang maliit na barong-barong sa iskwater. Sa hirap ng kanilang buhay, mapalad na kung makakakain silang mag-anak nang tatlong beses sa isang araw. At dahil din sa kahirapan, hindi na nagkakasundo ang kanyang mga magulang.

Mapuno man ng pasa at bugbog ang katawan ng ina ni Joy dahil sa pananakit ng kanyang mister, pinipili lamang ng karamihan na wag manghimasok.

“Away mag-asawa lang yan..”, isang gasgas na linya mula sa mga taong nakapalibot sa kanilang mag-anak.
Hanggang isang gabi, hindi umuwi ang ama ni Joy at lubos itong ikinabahala ng mag ina.

Nang dumating ang umaga, nagulat nalang si Joy at ang kanyang ina. Punong-puno nang pagkain ang kanilang hapag-kainan na para bang may piyesta sa araw na iyon.

Nakangiti silang binati ng ama ni Joy sabay yaya nitong kumain ng agahan, “Halina kayo! Lalamig natong mga pagkain. Ang sarap pa naman nito.”

Nagtataka at nagtanong ang ina ni Joy sa kanyang mister, “Paano mo nabili ang lahat ng mga ito? Nagnakaw ka ba?”

Bahagyang nagtaas ng boses ang ama ni Joy, “Kung nagnakaw ako, eh nasa presinto sana ako ngayon! Sinuwerte lang ako kahapon... Mas malaki na ang sahod ko ngayon! Ano ba? Kakain ba kayo?”

Hindi man malinaw kay Joy at sa kanyang ina ang mga nangyari. Tinikom nalang ng ina ni Joy ang kanyang bibig para hindi na lumaki pa ang sagutan nilang mag asawa.

Lumipas ang ilang araw. Unti-unting nagbago ang ugali ng ama ni Joy. Naging mas bayolente na ito ngayon. At isang gabi, nang umuwi ang ama ni Joy ay nagkaroon ng matinding away ang mag asawa. Isang away na lubos na makapagbabago sa buhay ni Joy.

“Maghiwalay na tayo! Hindi ka na nahiya! Adik! Adik ka! Wala kang hiya!”, sigaw ng ina ni Joy.

Habang naglilisik ang mga mata ng ama ni Joy, tinakpan niya ng kanyang kamay ang bibig ng kanyang asawa. At pabulong na sinabi, “Sige ipagsigawan mo! Papatayin talaga kita!”

Nagpupumiglas ang ina ni Joy at siya ay umakmang tumakbo palabas nang biglang may naramdaman siyang sobrang sakit sa kanyang likod. At bigla nalang siyang natumba.

Sinaksak siya ng kanyang mister.

Nagulantang ang kanyang mister sa pangyayari nang biglang may narinig siyang sigaw. Nakita ni Joy ang krimen. Tumakbo palabas ang ama ni Joy.

“Inay! Inay! Wag!”, sigaw ni Joy habang pilit niyang ginigising ang nag-aagaw buhay niyang ina. Hanggang tuluyan nang nalagutan ng hininga ang kanyang ina.

Sa kasalukuyan si Joy ay nasa pangangalaga ng DSWD. Nakatulala at palaging nasa sulok si Joy. Sinira na ng marahas na alaala ang musmos na isipan ng bata.

H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
Join the conversation now
Logo
Center