Pogs at Teks

Araw-araw tayong naghahabulan, kaibigan. Naggagatungan at nagtatawanan. Hanggang sa magsiuwian na mula sa eskwela - hanggang abuting na tayo ng hapon at ng dilim sa lansangan. Pinapagalitan na nga ni nanay.

Pogs.

Hinahampas sa kalsada hanggang sa tumaob at makita ang kabilang mukha. Hanggang sa manalo at mapalago ang taya. Ibinubuwis ang baon wag lang umuwing talunan. Sampu ang taya wala nang babalik - hahagilap na lamang bagong ipambibili kinabukasan sa pag-asang makakabawi rin at ako naman ang syang magtatagumpay.

Teks.

Ilang libong maliliit na rektanggulo - nakakahon, umaapaw - kunwari ay eksperto. Akala mo'y di mabilang na pera ang binibilang, pagkabilis-bilis. Isa - dalawa - tatlo - tsa. Tsansa ko na namang talunin ka, eto ang napili kong laro at ilalampaso kita. Kara - krus. Tabla. Walang silbi yung pamato mong si Vegeta. Panabla lang yan. Bumakas ka na lang sa iba kasi pang-amuyong ka lang talaga.

Nagyabangang.

Hanggang sa magkahidwaan dahil sa laruang gawa sa matigas na papel. Nagkapasa dahil nagkasuntukan. Sa huli parehong mali kaya't parehong napagalitan.

Tapos na ang pagkabata natin kaibigan.

Nasaan ka na kaya? Hindi na kita nakita pa - may black eye ka pa ng huling makita. Paluwas ng kamaynilaan upang doon kayo ang makipagsapalaran. Nakatapos na nga pala ako ng kolehiyo.

H2
H3
H4
3 columns
2 columns
1 column
Join the conversation now
Logo
Center